Escudero inihalal na presiding officer

MANILA, Philippines — Nagsimula na kahapon ang impeachment trial ni Vice Pres. Sara Duterte kung saan inihalal ng Senate impeachment court si Sen. Francis Escudero bilang presiding officer matapos makakuha ng 12 boto pabor laban sa walong tutol. Pinalitan ni Escudero si Senate President Sherwin Gatchalian sa pamumuno ng impeachment court.
Nauna rito, iginiit ni Sen. Alan Peter Cayetano na dapat ang Senate President mismo ang mamuno sa pagdinig dahil ito ang isinasaad ng Konstitusyon. Sinuportahan naman siya ng kanyang kapatid na si Sen. Pia Cayetano. Binanggit pa ni Cayetano (Alan) na kahit pa siya ang gawing presiding officer ay hindi niya ito tatanggapin dahil labag ito sa Konstitusyon. Sabi ni Cayetano na “more than capable” si Gatchalian na pamunuan ang trial.
Pero pinanindigan ni Gatchalian ang ipinasang resolusyon ng Senado na nag-amyenda sa kanilang mga patakaran, na nagbigay-daan upang ibang senador ang mahalal bilang presiding officer ng impeachment court.
Upang matapos ang diskusyon, iginiit ni Gatchalian na magkaroon ng botohan kung sino ang mamumuno sa pagdinig kung saan isinulong ni Sen. Panfilo Lacson si Escudero.
Binanggit ni Escudero na layunin ng impeachment na i-preserve ang Konstitusyon sa pamamagitan ng pagtanggal at disqualification ng isang “unfit official” mula sa kanyang posisyon.
Sinabi rin ni Escudero na hindi pangkaraniwan ang paglilitis dahil isang bise presidente ang sasailalim dito at siya ang kauna-unahang opisyal na dalawang beses na na-impeach ng Mababang Kapulungan.
Matapos mahalal si Escudero, nagpatuloy ang paglilitis kung saan kapwa binigyan ng pagkakataon ang prosekusyon at depensa na magsalita.
- Latest























