DOTr aaksiyunan right of way sa LRT-1 Cavite
MANILA, Philippines — Nanawagan ang Department of Transportation (DOTr) sa negosyanteng si Manny Villar na agarang aksyunan ang panukalang right-of-way usage agreement (ROWUA), at nagbabala na ang anumang karagdagang pagkaantala ay maaaring magsapanganib sa maagap na pagkumpleto ng multi-bilyong pisong LRT-1 Cavite Extension Project.
Binigyang-diin ni DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez na ang patuloy na kawalan ng aksyon ay maaaring magdulot ng higit pang pagkaantala sa pagtatayo ng planong istasyon ng LRT-1 sa Las Piñas, magpataas ng gastos sa proyekto, at magresulta sa karagdagang mga balakid sa pagpapatupad ng matagal nang inaasahang proyektong riles.
Ang LRT-1 Cavite Extension Project ay ilang dekada nang isinusulong at tumawid na sa limang administrasyon—mula kina dating Pangulong Joseph Estrada, Gloria Macapagal Arroyo, Benigno Aquino III, at Rodrigo Duterte, hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa kanyang follow-up letter, sinabi ni Lopez na ginawa na ng pamahalaan ang lahat ng makatuwirang hakbang at nagpamalas ng mabuting hangarin sa pakikipag-ugnayan sa mga may-ari ng lupa kaugnay ng planong lokasyon ng istasyon sa sangandaan ng C-5 Extension at Tramo Road. Sa kabila ay hindi pa rin anya inaprubahan ng mga may-ari ng lupa ang draft ng ROWUA.
Nauna nang inatasan ni Pangulong Marcos si Lopez na agarang tugunan at lutasin ang mga isyu at matagal nang suliraning nakaaapekto sa konstruksyon at operasyon ng LRT-1 Cavite Extension Project.
- Latest





















