PNP: Tacloban shooting planado

MANILA, Philippines — Planado umano ang ginawang pamamaril ng dalawang menor-de-edad sa San Jose National High School sa Tacloban, Leyte na ikinasawi ng apat na estudyante at ikinasugat ng 20 iba pa, nitong Lunes.
Sinabi ni Police Regional Office-8 (PRO-8) Regional Director PBGen. Jason Capoy, mahigit isang buwan o nagsimula pa noong Mayo ang pagpaplano sa “mission” ng mga suspek. Pinagbasehan ng mga awtoridad ang usapan ng mga suspek na kumalat na rin sa social media kabilang ang isusuot na damit, lugar at oras kung kailan isasagawa ang pag-atake.
Base sa mga screenshots, nagplano ang mga ito na magdala ng baril at kabilang ang Juvenile Justice and Welfare Act sa binanggit ng mga suspek sa kanilang pag-uusap. Sinabi umano ng mga suspek na hindi sila makukulong dahil sa kanilang mga edad.
Sa pahayag ng isang testigo, dumiretso umano ang isa sa dulo ng corridor upang tiyakin kung naroon ang kanilang target. Ngunit nang hindi nila makita ang hinahanap, lumalabas na nagsagawa na lamang sila ng random shooting.
Kabilang sa mga nasawi sina Gerric, 15, Grade 10; Ayessa,14, Grade 9; Joyancee, 13, Grade 10 at Chriz, 15, Grade 10 na binawian ng buhay habang isinasalba sa pagamutan.
Aabot sa 40 basyo ng bala ng baril at isang police-issued firearm na 9mm Glock pistol ang narekober ng mga awtoridad.
Ayon sa PNP, ang 9mm pistol ay nakarehistro sa isang babaeng pulis ng PRO-8 na tiyahin ng isa sa menor-de-edad. Ang isa pang baril na ginamit sa insidente ay .38 caliber revolver na nakarehistro sa isang security agency sa Cebu City.
Sinabi ni PNP spokesperson Col. Allen Rae Co na isa sa mga suspek ay nakapag-reload pa ng police-issued firearm habang nagaganap ang pamamaril.
Lumilitaw sa imbesti-gasyon na naipasok ng isa sa mga suspek ang baril sa loob ng paaralan gamit ang sling bag, habang hindi naman nasuri ng security guard ang isa pang suspek dahil kilala itong estudyante ng paaralan.
Sa ngayon ay nananatili pa rin ang mga suspek sa kustodiya ng mga pulis at isinasailalim sa interogasyon, na may gabay ng kanilang mga magulang. Nasa restrictive custody na rin ang babaeng pulis habang inaalam ng mga awtoridad kung paano napunta sa pamangking suspek ang kanyang service firearm.
Samantala, sinabi ng PRO-8 na exempted sa criminal liability ang 14-anyos gawing sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, ngunit isasailalim ito sa intervention program ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Ang 15-anyos naman ay sasailalim sa assessment upang matukoy kung kumilos ito nang may discernment.
Kapag napatunayan ito, maaari itong sampahan ng kaukulang kaso alinsunod sa umiiral na batas para sa children in conflict with the law.
- Latest






















