VP Sara sinopla ng Palasyo

MANILA, Philippines — Binuweltahan ng Malakanyang si Vice Pres. Sara Duterte dahil sa pahayag nito na ang insidente ng pamamaril sa isang eskwelahan sa Tacloban City ay dahil sa kabiguan ng pamahalaan na kilalanin ang kahalagahan ng intelligence gathering at pagtukoy sa mga posibleng banta.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, na ang mga menor-de-edad na sangkot sa pamamaril sa San Jose National High School ay hindi mga terorista.
Giit ni Castro, ang dalawang suspek ay mga estudyante na tila gumon sa marahas na online gaming at hindi mino-monitor para sa intelligence gathering.
Ang reaksyon ng Palasyo ay kasunod ng pahayag ni VP Sara na ang patuloy na pagkawala ng buhay ng mga kabataan ay magsilbing wake-up call sa administrasyon at hinikayat na kumilos agad sila para maging ligtas ang mga paaralan.
Buwelta pa ni Castro, sa susunod na mamintas at manira ang Bise Presidente ay itanong din sa kanya kung ano ang kanyang suhestyon. Kinuwestyon din niya kung bakit hindi tinuruan ang kanyang ama na maresolba ang mga ganitong sitwasyon.
- Latest

















