DepEd: Mga suspek sa school shooting dumaan sa bakod
MANILA, Philippines — Dumaan umano sa bakod, at hindi sa main gate, ng paaralan ang dalawang menor-de-edad na namaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, na nagresulta sa pagkamatay ng apat na estudyante.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Undersecretary Malcolm Garma, lumitaw sa inisyal na resulta ng imbestigasyon na hindi nakita ng mga security personnel ang pagpasok ng mga suspek sa paaralan dahil hindi dumaan ang mga ito sa main gate.
“The two perpetrators were able to enter the school premises through the fence. They did not pass through the main gate. The main gate is basically being manned by two security guards,” ayon kay Garma, sa isang media interview.
Dagdag pa niya, wala pa silang nakikitang ebidensiya na ang mga estudyante ay biktima nga ng bullying, tulad ng kumakalat sa social media, kaya nagawa ang karahasan.
Gayunman, base aniya sa inisyal na ulat ng Philippine National Police, matagal nang pinaplano ng mga suspek ang krimen, base na rin sa kanilang mga pag-uusap.
Wala rin aniyang partikular na indibidwal na tinarget ang mga suspek nang isagawa ng mga ito ang pamamaril.
“So it was really a random sporadic shooting as soon as they got within the premises of the school,” dagdag pa niya.
- Latest




















