‘Di maibabalik ng sorry anak ko’

Rovelyn kay Baldwin
MANILA, Philippines — Nais ni Rovelyn Baterbonia na magkaroon ng klarong paliwanag si Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin sa pagkamatay ng dalawang Ateneo players kabilang ang kaniyang anak na si Rene Baterbonia.
Inilabas ni Rovelyn sa social media ang sagot nito sa paghingi ng sorry ni Baldwin sa trahedyang nagresulta sa pagkasawi ni Rene at teammate nitong si Divine Adili.
Sinabi ni Rovelyn na hindi sapat ang sorry. Nais nito na magkaroon ng konkretong sagot si Baldwin sa tunay na nangyari sa team building ng Blue Eagles sa Aurora.
“Hindi madadala ng mga sorry o paumanhin ang pagkamatay ng anak ko. Para malaman ninyo, ang gusto kong ipahayag ninyo sa akin ay kung ano talaga ang nangyari,” ani Rovelyn sa wikang bisaya.
Iginiit din ni Rovelyn na hindi agad ipinaalam sa kanila kung ano talaga ang nangyari. Mas nauna pa aniyang nalaman ang lahat sa social media sa halip na kausapin ang pamilya nito para ipaalam ang nangyaring trahedya. Wala rin aniyang ibinigay na update sa pamilya Baterbonia.
“Bakit ninyo sinasabi na aksidente lang ang nangyari sa anak ko? Sinasabi ninyo na aksidente lang, pero hindi ninyo ako na-update kung ano talaga ang nangyari,” ani Rovelyn.
“Nag-post pa kayo sa social media na patay na ang anak ko, pero wala pa kayong ipinadala sa akin na larawan o patunay na patay na talaga ang anak ko.”
Wala pang sagot ang pamunuan ng Ateneo at si Baldwin sa pahayag ni Rovelyn. Namatay sa pagkalunod sina Rene at Adili habang nasa team building ito ng Blue Eagles.
Ilang araw matapos ang trahedya, naglabas ng video si Baldwin kung saan humingi ito ng sorry sa pamilya Baterbonia at Adili ngunit wala itong binanggit sa kung ano ang eksaktong nangyari sa Aurora.
“As a coach, I am entrusted by you—the parents and families—with their well-being first and foremost. And in this, I feel I’ve failed. And I’m sorry. To the depth of my being, I’m sorry,” ani Baldwin.
- Latest
















