‘Barilin mo ako para matapos ang paghihirap ko’
Pakiusap ito ng isang senior citizen sa MMDA.
Viral kasi ngayon ang video nang sagutan ng isang tauhan ng MMDA at driver na senior citizen nang sitahin ng MMDA ang driver at hingin ang lisensiya dahil sa maling parada ng taxi nito.
Hanggang saan nga ba dapat bigyan ng konsiderasyon ang isang senior citizen? Kailangan bang prayoridad sila sa lahat ng oras kahit may maling nagawa?
Sa kaso ng senior na taxi driver, hindi natin alam kung sino ang dapat na paboran. Parehong may katwiran. Pero ano ba ang dapat sundin? Edad o batas?
Batay sa viral video, sinita ng MMDA ang driver dahil nakaparada ang taxi nito sa maling paradahan. Wala ang driver na noo’y bumili pala ng pagkain.
Pagdating ng driver, hinihingi ng MMDA ang lisensiya nito subalit todo tanggi ang driver at sinabing bumili lamang siya ng pagkain. Tinanong pa ng driver ang MMDA “kung masama bang bumili ng pagkain. Kaya nga ako naghahanapbuhay ay para mabuhay.”
Mahinahon nang sumagot ang MMDA ng “hindi po masamang kumain, mali po ang pagparada niyo at wala pong driver kanina”.
Hinihingi ng MMDA ang drivers license ng driver subalit ayaw itong ibigay ng huli at sa halip ay sinabihan niya ang MMDA ng “para matapos na ang paghihirap ko, barilin mo na ako, patayin mo na ako”.
Alam natin na senior na ang driver pero hindi ba dapat alam pa rin niya ang tama at mali? Hindi maaaring ibala ang katandaan upang bigyan na lamang ng pribilehiyo lalo pa’t inuudyok ang MMDA na gumawa ng dahas.
Hindi natin kinakampihan ang MMDA, pero naniniwala ako na kung maayos lang ang pakiusap ni lolo sa MMDA imposible na hindi siya pagbigyan. Likas ang pagkakaroon ng kababaang loob ng Pilipino.
Kay lolo, alam nating mahirap ang buhay at lahat tayo ay nagsisikap, maging magpagkumbaba pa rin sa lahat ng oras. Hindi dapat gamitin ang edad upang labagin ang batas.
- Latest
















