^

Punto Mo

EDITORYAL - Problema ng DepEd na hindi matapus-tapos

Pang-masa

NAGSIMULA na noong Lunes (Hunyo 8) ang pa­sukan sa pampublikong eskuwelahan. At ang lumang prolema na naman ang sumalubong sa mga mag-aaral ang kakulangan ng classrooms. Nagmistulang sardinas na naman ang mga silid aralan dahil sa pagsisiksikan ng mga estudyante.

Ito ay sa kabila ng katotohanan na may record-high na P1.35 trillion budget ang Department of Education, kung saan P85.3 billion ang inilaan para sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga paaralan.

Hindi ito naisakatuparan. Naulit ang dati nang pro­b­lema kung saan ang mga mag-aaral ay pinagkakasya sa double-shift schedules at ang masaklap may mga gurong nag-aabono mula sa sariling bulsa para may magamit na materyales sa pagtuturo.

Ang mas nakakagalit na katotohanan, hindi ang kawalan ng pera, kundi ang nakapaparalisang bagal ng burukrasya. Anim na buwan na ang nalagas sa 2026, ngunit ibinunyag ng DepEd Region 7 na wala pa ni isang bagong proyektong pang-imprastraktura ang nasisimulan dahil hinihintay pa rin nila ang prio­rity project listings mula sa Central Office. Habang nag­­­tuturuan at naghihintayan ang mga opisyales sa pag­pirma ng mga dokumento, ang mga mag-aaral ang nagbabayad ng presyo. Patuloy silang nagtitiis sa blended learning o kaya nama’y nagsisiksikan sa mga mapanga­nib na pasilidad na pinadapa ng mga nagdaang bagyo at lindol.

Ang panganib ng ganitong kapabayaan ay hindi na lamang usapin ng pagkatuto; usapin na ito ng kaligtasan.

Hindi sapat na sabihing sanay na ang mga Pilipino sa tagpi-tagping solusyon. Hindi katanggap-tanggap na ginagawang normal ang morning at afternoon shifts habang ang bilyun-bilyong pondo para sa bagong imprastraktura ay nakatengga sa mga opisina ng gobyerno.

Gaya ng paulit-ulit na idinadaing ng mga guro, ang pondo para sa edukasyon ay parang isang cake na pilit hinahati sa maraming bibig taun-taon. Lumalaki man ang budget, pilit naman itong inuunahan ng mabilis na pag­lobo ng populasyon ng mga mag-aaral at ng naipong ka­ku­langan mula sa mga nakaraang dekada. Subalit kahit­ gaano pa kalaki ang budget na ipasa ng Kongreso, magi­ging walang silbi ito kung ang ahensiyang dapat magpa­tupad ay nabubulok sa sariling sistema ng pag-antala.

Ang pagresolba sa krisis sa edukasyon ay hindi naku­kuha sa pagyayabang ng trilyong pisong alokasyon­. Na­ngangailangan ito ng mabilis, tapat, at epektibong pag­papatupad na malaya sa red tape at kapabayaan. Hangga’t inaabot ng ilang buwan o taon bago maibaba ang pondo at maitayo ang isang simpleng silid-aralan, ang anumang dagdag na badyet ay mananatiling ilusyon. Panahon na para papanagutin ang mga nasa likod ng usad-pagong na sistemang ito. Tapusin ang problemang matagal nang bumabalot sa pagsisimula ng klase.

DEPED

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with