Majority senators ido-donate 1 month sahod sa quake victims
MANILA, Philippines — Nagkasundo ang mga majority senators na i-donate ang isang buwan nilang suweldo sa mga biktima ng lindol, ayon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson.
“Gumawa ng mga hakbang ang mga miyembro ng Senate majority bloc upang tulungan ang mga biktima ng magnitude-7.8 na lindol na sumira sa ilang bahagi ng Mindanao noong Lunes…Sinabi nila na sumang-ayon silang mag-donate ng isang buwang suweldo upang matulungan ang mga naapektuhan ng sakuna,” anang majority senators.
Kung ang isang senador ay sumusuweldo ng nasa P300,000 kada buwan, aabot sa P3.6 milyon ang paunang donasyon ng 12 senador.
Hinikayat din nila ang mga kasamahan sa minority na makiisa sa hakbang ng mga majority senators.
“Bagama’t ito ay isang maliit na kontribusyon, umaasa kami na ang aming mga kasamahan sa minorya ay sasama sa amin sa pagsisikap na ito. Tutal, kami ay mga senador ng lahat ng mamamayang Pilipino,” dagdag ng mga senador.
Sinabi ng deputy spokesperson ng Office of Civil Defense Diego Mariano na hanggang alas-6 ng Martes ng umaga, ang lindol ay nag-iwan ng hindi bababa sa 38 katao na patay, 456 katao ang nasugatan, at apat ang naiulat na nawawala.
Naapektuhan nito ang 17,689 na pamilya o 77,186 katao. Hindi bababa sa 5,343 pamilya o 19,365 katao ang nananatili sa mga evacuation center.
Sinabi rin ng mga senador na higit pa sa pinansyal na halaga ng kontribusyon, nagpaaabot din sila ng sinserong pakikiramay sa mga taga-Mindanao.
Anila, ang kanilang kontribusyon ay dapat mapunta sa mga agarang pangangailangan tulad ng pagkain, malinis na tubig, gamot, pansamantalang tirahan, at iba pang tulong na natukoy ng mga lokal na komunidad at mga tagatugon sa lugar.
Pinalawak din ng bagong Senate majority ang apela nito sa labas ng Kamara, at hinihimok ang mga Pilipinong may kakayahang magbigay ng tulong sa Mindanao sa pamamagitan ng panalangin, mga donasyon o iba pang anyo ng tulong.
- Latest


















