Term-sharing to signature-sharing: kalokohan!
May bagong paandar na naman si Alan Peter Cayetano. Sa kanyang desperadong delusyon na siya pa rin ang tunay na Senate President, iminungkahi niya kay Senate Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang konsepto na maging co-signatories sila sa mga opisyal na dokumento ng institusyon. Sa madaling salita, “power-sharing” sa pamamagitan ng “signature-sharing.” Nyek!
Ayon kay Cayetano, para raw ito sa kapakanan ng institusyon at ng mga empleyado sa gitna ng patuloy nilang alitan. Aniya, “I will bend backwards for the Senate employees.” Naks naman. Nagamit pa ang mga empleyado.
Nakakatawa. Kung may co-pilot sa eroplano at co-host sa talk show, ngayon ay may co-president na rin pala sa Senado.
Mas nakakatawa ang desperasyong nakapaloob sa alok. Si Cayetano ay parang estudyanteng natalo sa eleksyon ng class president ngunit nagmumungkahi na maging co-president na lang siya. O kaya’y kandidatong talunan sa barangay na nagsasabing, “Sige, ikaw na ang nanalo, pero pirmahan muna nating pareho ang lahat ng dokumento.”
Ayaw talagang magpapigil ng Senate Pokémon. Kahit kinikilala na ng halos lahat, mula sa Executive, Kongreso, mga law dean, legal luminaries, Senate staff, at maging ng opisyal na website ng Senado, ang bagong liderato sa ilalim ni Gatchalian, nagpupumilit pa rin si Cayetano na siya ang tunay na Senate President.
At bakit naman papayag si Gatchalian sa alok? Bukod sa wala itong batayan sa Senate rules, may track record si Cayetano ng hindi pagtupad sa mga kasunduan. Tandang-tanda pa natin kung paano niya nilabag ang power-sharing agreement nila ni Congressman Lord Velasco para sa posisyon ng House Speaker. Nang dumating ang panahong dapat niyang bakantehin ang puwesto para kay Velasco, kumapit siya sa kapangyarihan. Kinandado ang Kongreso. Biglaang isinara ang sesyon. At pinatayan pa ng kuryente at internet ang mga kapwa niyang mambabatas upang hindi makapagpulong.
Muli itong nasaksihan sa Senado nang patayan niya diumano ng aircon at internet ang mga senador na nagnanais magdaos ng plenary session.
Isa lamang ang Senate President. Hindi ito dalawang drayber na naghahati sa manibela habang nag-aagawan sa direksiyon ng sasakyan. Kapag pinayagan natin ang ganitong kaayusan, ang kahihinatnan ay isang sakuna. Hindi malayong mabangga ang institusyong minamaneho at tuluyang mahulog sa bangin.
- Latest




















