^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Freedom of Information Act

Pilipino Star Ngayon

SA wakas, abot-kamay na ng mga Pilipino ang batas na matagal nang kinatatakutan ng mga tiwali – ang Freedom of Information (FOI) Act. Sa botong 284-0 at walang anumang pagtutol, ipinasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 9397.

Napapanahong hakbang ito upang basagin ang kultura ng paglilihim, lalo na sa panahong lugmok ang Pilipinas sa ika-120 puwesto sa 2025 Corruption Perceptions Index at mga iskandalo tungkol sa mga palpak na flood control projects at walang-preno na paggamit ng confidential funds.

Hindi na bago ang panawagan para sa kala­yaan sa impormasyon. Bagamat ginagarantiyahan ito ng 1987 Constitution, nanatili itong bulag at pipi dahil sa kawalan ng batas. Napatunayan natin sa nakaraang administrasyon na hindi sapat ang Executive Order No. 2 dahil saklaw lamang nito ang ehekutibo, at sa huli ay madali pang na­baluktot upang itago sa publiko ang mga State­ment of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng matataas na opisyal. Ang isinusulong na pa­nu­kala ngayon ay saklaw na ang lehislatura, hudikatura, mga lokal na pamahalaan, at GOCCs.

Nakikita ang mga pangakong “ngipin” ng bagong panukala. Nakasalang ang paglikha ng isang malayang Right to Information Commission at isang sentralisadong online portal. May nakatakda ring mahigpit na palugit: tatlong araw para sa mga simpleng hiling, at hang­gang 20 araw para sa mga teknikal na dokumento. Higit sa lahat, nagpapataw ito ng mga parusang ad­mi­­nistratibo, sibil, at kriminal sa sinumang opisyal na sadyang magtatago, maninira ng public record, o magbibigay ng maling impormasyon upang pag­takpan ang katotohanan.

Subalit, hindi dapat ituring na mahiwagang lunas ang batas na ito.

Kahit mapirmahan pa ito, magiging inutil ang mga magagandang probisyon kung malambot ang ipapataw na parusa at mahina ang implementasyon, isang sakit na matagal nang nagpapahirap sa ating pamahalaan. Sa paparating na bicameral conference, kung saan pag-iisahin ang bersyon ng Kamara at Senado, dapat tiyakin ng mga mambabatas na ang itatakdang kulong at multa ay sapat ang bigat upang magtanda at manginig ang sinumang opisyal na ipagkakait ang impormasyon.

Ang kalahati ng laban ay naipanalo na sa loob ng Kongreso, ngunit ang tunay na pagsubok ay nasa labas. Mayroon na tayong batas na nagbi­bigay ng kapangyarihan sa impormasyon, pero magkakaroon lamang ito ng talim kung hindi tatamarin ang publiko na gamitin ito. Ang FOI Law ay napakalakas na sandata para usisain ang bawat kontrata, bantayan ang bawat budget, at papanagutin ang mga nagmamalabis; ngunit sa huli, ang kamay na dapat humawak at mag-asinta nito ay walang iba kundi ang taumbayan.

LAW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with