Kapag lumindol, walang mayaman o mahirap
May mga pangyayaring kayang patahimikin ang lahat ng ingay sa paligid natin. Ang politika, mga alitan sa social media, at mga bagay na madalas nating pinagtatalunan ay biglang nawawalan ng halaga. Isa na rito ang lindol. Kapag nagsimulang yumanig ang lupa, wala nang mayaman o mahirap, makapangyarihan o karaniwan. Lahat tayo ay nagiging tao lamang na naghahanap ng kaligtasan para sa ating sarili at sa mga mahal natin sa buhay.
Ang kamakailang pagyanig sa Sarangani, General Santos City, at iba pang bahagi ng Mindanao ay muling nagpapaalala kung gaano tayo kaliit sa harap ng kalikasan. Sa loob lamang ng ilang segundo, maaaring magbago ang takbo ng isang araw o maging ng isang buhay. Ang mga bagay na akala natin ay kontrolado natin ay maaaring mawala sa isang iglap. Sa harap ng kalamidad, nawawala ang mga label at naaalala natin kung ano ang tunay na mahalaga.
Sa mga ganitong pagkakataon, lumalabas ang pinakamagandang katangian ng Pilipino. Hindi mahalaga kung sino ang ibinoto natin o kung ano ang ating estado sa buhay. Ang mahalaga ay ang pagtutulungan, pagdadamayan, at malasakit sa kapwa. Sa oras ng sakuna, mas nangingibabaw ang ating pagkakaisa kaysa sa ating mga pagkakaiba.
Dapat ding kilalanin kung saan nararapat ang pagkilala. Mabilis ang naging pagtugon ng administrasyong Marcos sa sakunang ito. Agad na kumilos si DSWD Secretary Rex Gatchalian upang pangunahan ang relief operations, habang si DPWH Secretary Vince Dizon ay nagsagawa ng agarang inspeksiyon sa mga naapektuhang imprastraktura at pasilidad. Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mismo ay nagbigay ng direksiyon at pangkalahatang pangangasiwa sa pagtugon ng pamahalaan. Sa panahon ng krisis, mahalaga ang lideratong nakikita at nararamdaman ng mamamayan.
Isa pang dapat pagtuunan ng pansin ay ang kalagayan ng ating mga gusali, lalo na sa Metro Manila at iba pang matataong lungsod. Hindi natin maiiwasan ang lindol, ngunit maaari nating maiwasan ang mas malaking trahedya kung mahigpit na susundin ang mga pamantayan sa konstruksyon at structural safety. Ang tanong ay hindi kung darating pa ba ang susunod na malakas na lindol, kundi kung handa ba ang ating mga gusali kapag dumating ito. Sa usapin ng kaligtasan, hindi dapat manaig ang pagtitipid kaysa buhay ng tao. Ang isang gusaling bumabagsak ay hindi lamang pagkukulang sa disenyo kundi kabiguang protektahan ang mga taong nagtitiwala rito araw-araw.
Habang ang mga ahensya ng gobyerno ay nasa aktuwal na pagtugon sa kalamidad, umaasa rin ang publiko na ang Senado ay makapagkakaisa. Kapuri-puri ang naging hakbang ng ilang senador mula sa bagong mayorya na maglaan ng isang buwang suweldo para sa mga biktima. Ngunit mas mahalaga na matapos na ang usapin sa liderato at makapagpulong ang Senado upang makapaglaan ng karagdagang pondo para sa relief, rehabilitasyon, at muling pagbangon ng mga nasalanta. Sa panahon ng sakuna, mas kailangan ng bayan ang pagkilos kaysa pulitika.
Darating ang panahong titigil ang pagyanig at babalik sa normal ang takbo ng buhay. Ngunit sana ay manatili ang mga aral nito. Kapag lumindol, walang mayaman o mahirap. Lahat tayo ay pare-parehong nangangamba, nagdarasal, at umaasang makabangon. At sa bawat pagsubok, muling pinatutunayan ng Pilipino na maaaring yanigin ng lindol ang ating mga komunidad, ngunit hindi kailanman ang ating pag-asa, pananampalataya, at pagkakaisa bilang isang bayan.
- Latest















