Nalalabing Asset Claims vs Marcos, ibinasura
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Sandiganbayan ang natitirang asset claims ng pamahalaan kaugnay ng forfeiture case laban sa umano’y ill-gotten wealth ng pamilyang Marcos na mahigit tatlong dekada nang nakabinbin.
Sa resolusyon na may petsang Hunyo 2, 2026, kinilala ng korte ang pahayag ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na wala na itong maipiprisintang karagdagang ebidensiya para sa unresolved asset claims sa ilalim ng Civil Case No. 0141.
“Petitioner filed a Manifestation, stating that it would no longer present evidence with respect to the remaining listed properties not covered by the partial summary judgments,” nakasaad sa resolusyon.
Noong nakaraang mga pagdinig, kinastigo ng Special Division ang state lawyers dahil sa matagal na pagpipresenta ng ebidensiya at mga saksi. Sa May 7 proceedings, iniulat ng PCGG na ang mga orihinal na empleyado ay pawang retirado na, at ang natitirang tauhan ay patuloy na nagbubusisi sa napakakapal na rekord.
Binanggit ni Associate Justice Maryann Corpus-Mañalac: “You don’t just come to court to explain you need more time to conduct an in-depth investigation. This case is lagging behind.”
Dagdag pa ni Associate Justice Juliet Manalo-San Gaspar, matagal nang inatasan ang prosekusyon na ihanda ang ebidensiya at saksi mula pa noong Setyembre 30, 2025.
- Latest






















