Aide ni Sara gigisahin sa trial

MANILA, Philippines — Pinagbigyan ng Impeachment Court ang kahilingan ng prosekusyon na paharapin sa trial sa susunod na linggo si Atty. Zuleika Lopez, ang Chief of Staff ng Office of the Vice President. Iniutos ni Impeachment Court Presiding Officer Francis Escudero na ilabas kahapon, Miyerkules ang Subpoena Ad testificandum laban kay Lopez.
Nauna rito, hiniling ng pangkat ng prosekusyon noong Martes na pilitin ang pagdalo ni Lopez sa paglilitis. Si Lopez ang dahilan ng pagbisita ni Vice Pres. Sara Duterte sa House of Representatives noong Nobyembre 23, 2024, kung saan nagsagawa siya ng virtual media conference at pinagbantaan ang buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ikinulong noon sa Kamara si Lopez matapos ma-cite in contempt sa isang imbestigasyon hinggil sa umano’y maling paggamit ng pondo ni Duterte.
Samantala, ipinalabas kahapon ng depensa sa impeachment trial ang video clip ng emosyonal na si Lopez mula sa video noong Nobyembre 2024.
Ang mga bahagi ng video ay ipinakita sa cross-examination ng abogado ng depensa na si Carlo Joaquin Narvasa kay NBI senior agent John Mark Calilung na nagpatunay at nag-imbestiga sa video.
Sinabi ni Narvasa noong Martes na dapat makita ng impeachment court ang buong video upang magbigay ng konteksto para sa mga pahayag ni Duterte tungkol sa Pangulo, Unang Ginang, at Romualdez.
Inaasahan naman ng prosekusyon na tatalima si Lopez sa utos ng Impeachment Court at haharap ito sa pagpapatuloy ng pagdinig sa susunod na linggo.
- Latest





















