Nakakahiya na sa taumbayan – Raffy

MANILA, Philippines — Tahasang sinabi kahapon ni Sen. Raffy Tulfo na nakakahiya na sa taumbayan at hindi na dapat maglokohan ang mga senador na nais baguhin ang rules ng Senado upang makaboto ang mga senador kahit absent sa sesyon sa pamamagitan ng teleconferencing.
Ipinaalala ni Tulfo na ang mga senador ay ibinoto ng taumbayan para personal na gampanan ang kanilang mga tungkulin sa loob ng Senado.
Ayon pa kay Tulfo, ang mga ordinaryong empleyado ay araw-araw na bumibiyahe, nakikipagsiksikan sa tren, bus at jeep, nagtitiis sa traffic at init para mabilang ang kanilang attendance at maswelduhan, kaya hindi dapat papayagan ang sinumang senador na mag-attendance at makalahok sa mga bagay na pinagbobotohan sa Senado via Zoom nang dahil sila ay nagtatago.
Partikular na tinukoy ni Tulfo ang ‘special treatment’ aniya na nais ibigay kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
“Nakakainsulto ang ginawa ng iba naming kasamahan na pag-rush sa pagbago ng major Senate rules para lamang mabigyan ng special treatment si Sen. Bato na kasalukuyang hindi pumapasok,” ani Tulfo.
- Latest






















