Floating barrier ng China sa Scarborough, binira
MANILA, Philippines — Binira ng makabayang grupo ang ginawang paglalagay ng harang o floating barrier ng China sa Scarborough Shoal na malinaw umanong hakbang sa pagpapalawak ng kanilang presensya sa iba’t-ibang bahagi ng karagatan, ayon sa mga makabayang grupo, nitong Martes.
Iginiit ni Dr. Jose Antonio Goitia, chairman emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), na walang harang at walang base ang makakaagaw ng karapatan ng Pilipinas.
Sa Scarborough Shoal, muling napigilan ang pagpasok ng mga mangingisdang Pilipino sa pamamagitan ng floating barrier, kahit ang lugar ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Iniuugnay din ni Goitia ang pagtatayo ng China ng airbase sa Antelope Reef sa South China sea na sa kabuuang pattern ay kinokontrol na ang access.
Ayon sa Foundation for Defense of Democracies, ito ay bahagi ng tinatawag na “gray-zone” strategy—mga hakbang na hindi direktang komprontasyon, ngunit may layuning unti-unting baguhin ang umiiral na sitwasyon sa dagat.
Matagal nang malinaw ang usaping legal. Ang 2016 Arbitral Award sa ilalim ng UNCLOS ay nagpasya na walang sapat na batayan ang malawak na “historic rights” na inaangkin ng Tsina sa loob ng tinatawag na nine-dash line. Ang desisyong ito ay pinal at may bisa sa ilalim ng Convention.
- Latest























