Mabigat na parusa vs road rage giit isabatas na
MANILA, Philippines — Kinalampag ng isang automobile group ang mga mambabatas na lumikha ng batas na may matinding parusa upang mapigilan ang road rage, kasunod ng mga insidente na nag-viral sa social media kamakailan.
“Iyong mambabatas natin, ayusin niyo iyong road rage law, wala pa eh,” pahayag ni Automobile Association of the Philippines President Augustus “Joe” Ferreira sa panayam ng Teleradyo Serbisyo.
“Dapat iyan matindi iyong penalty para maging deterrent. Kapag ako ay nahuli o nakipagbuntalan diyan, pareho kayong kulong,” aniya.
Iginiit niya rin na dapat ay idagdag pa sa assessment ng mga aplikante ng driver’s license kung “psychologically fit” para magmaneho ng sasakyan, bukod sa umiiral na theoretical at practical tests.
Iminungkahi niya rin sa pamahalaan na isali na sa pagtuturo sa mga batang estudyante ang tamang pag-uugali sa pagmamaneho upang mas maagang itanim sa isipan nila ang mga tamang gawi.
“Ang pag-asa natin iyong future. Kailangan itinuturo sa elementary saka sa high school, saka sa kolehiyo, paulit-ulit, iyong attitude sa pagmamaneho at saka iyong skill. Kahit wala pa silang sasakyan, tinuturo na sa kanila iyon,” ani Ferreira.
Pinayuhan niya rin ang mga motorista na upang hindi na mapunta sa sitwasyon ng road rage, planuhin at bigyan ng sapat na allowance ng oras ang pagbiyahe upang hindi nagmamadali habang nasa kalye.
Mas nakakainit umano ng ulo sa pagmamaneho kung nagmamadali kaya maglaan ng dagdag na oras sa inaasahang traffic, aniya pa.
Hindi rin aniya dapat na bumaba ng sasakyan kung may makakaalitan sa kalye at iwasan ang pagdadala ng anumang armas sa sasakyan.
Mas magandang depensa aniya ang lumayo sa mga magugulong tao, kaysa sagupain, at sariling ulo ang sikaping palamigin dahil hindi natin kontrolado ang ulo ng iba.
Pinakahuling viral video sa road rage ang driver ng funeral ambulance na sinisigawan ang siklista at binabangga ang bisikleta sa Valenzuela City at ang motorista na sinisigawan ang lalaki na nagtutulak ng kariton sa Antipolo City.
- Latest




















