Marcos: P120 bilyon sa Balintawak-Bocaue elevated road ibubuhos
MANILA, Philippines — Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes ang planong P120 bilyong elevated road project na mag-uugnay sa Balintawak, Quezon City, at Bocaue, Bulacan.
Ito ay bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mapabilis ang daloy ng trapiko, mabawasan ang oras at gastos sa biyahe, makalikha ng trabaho, at mapasigla ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapalawak ng pamumuhunan sa imprastraktura.
Ayon kay Pangulong Marcos, suprise ang nasabing proyekto mula sa MVP Group sa pangunguna ng chairman na si Manny V Pangilinan.
Ang nasabing investment aniya ay nagkakahalaga ng P120 bilyon kung saan maglalagay sila ng elevated na daan mula Balintawak hanggang Bocaue, Bulacan. Inanunsiyo ni Marcos ang nasabing proyekto sa pagbubukas ng isang segment ng NLEX sa Valenzuela City kahapon.
“At napakalaking bagay nito dahil ito ay dadaan nila doon sa NLEX-Meycauayan na ngayon maglalagay sila ng elevated. Ito ‘yung pagsasama ng dalawang grupo, ng MVP at SMC na pinagsasama,” dagdag pa ng Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na ang MVP Group ang gagawa ng proyekto katuwang ang SMC group matapos n’yang hilingin sa dalawang grupo na magtulungan upang madagdagan ang rutang maaaring daanan ng mga motorista.
“Pinakiusapan ko sila na magtulungan sila para madagdagan naman natin ‘yung dinadaanan. At iba ang magiging karanasan, ang experience, na experience para sa mga commuters na ‘yan. Napakalaking investment na gagawin ng MVP Group. At siyempre, kasama nila ang SMC dahil kailangan nilang mag-coordinate,” saad pa ni Marcos.
Ayon sa Pangulo, mahalagang ipagpatuloy ang pagpapaunlad ng imprastraktura upang mapabuti ang sistema ng transportasyon, maibsan ang pagsisikip ng trapiko, mabawasan ang oras at gastos sa biyahe ng mga manggagawang Pilipino, at mapataas ang kanilang produktibidad.
- Latest

















