Reward para maaresto si Co, ok sa Palasyo

MANILA, Philippines — Ikinokonsidera ng Malakanyang ang mungkahi na mag-alok ng pabuya sa makakapagturo at makakapagbigay impormasyon sa kinaroroonan ni dating Congressman Zaldy Co.
Ayon kay Palace Press officer Atty.Claire Castro, sa ngayon ay wala pang napapag-usapan tungkol sa reward system, subalit maaari itong ikonsidera ng gobyerno para mapabilis ang pag-aresto kay Co at mapabalik siya sa bansa.
“Maaari siguro itong ikunsidera, magandang suhestiyon yan,” sinabi ni Castro sa press briefing sa Palasyo.
Paliwanag pa ni Castro na mahalagang matunton ang kinaroroonan ni Co dahil sa kanya nakaturo ang mga ebidensiya kaugnay sa eskandalo sa flood control scam.
Ipinauubaya naman na ng Malacañang sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkilos para makipag-ugnayan sa Portuguese authorities upang matukoy kung sa Portugal nagtatago ang dating kongresista.
Sa pinakahuling monitoring aniya ng Department of Interior and Local Government, nasa Portugal umano si Co at hindi ito basta mapapauwi dahil walang extradition treaty ang gobyerno sa naturang bansa.
- Latest



















