Pangulong Marcos , Martin nagbulsa ng P56-B ‘kickback’ - Co ‘
Sa Bulacan ghost flood projects
MANILA, Philippines — Umaabot sa P51 bilyong halaga mula sa ghost flood control projects sa Bulacan ang napunta umano kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang inihayag ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa ikatlong bahagi ng kanyang video na inilabas kahapon na itinaon sa anti-corruption rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Rizal Park, Maynila.
Sinabi ni Co na marami pa siyang nais dalhin sa liwanag kabilang dito ang P56 bilyong umano’y napunta sa kickbacks na kanilang idineliber kay Pangulong Marcos at may kaparte rin umano dito si dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Co, ang P21 bilyon na sinabi ng Independent Committee for Infrastructure (ICI) sa korapsyon sa ghost flood control projects sa Bulacan na kinasangkutan ng nasibak na sina Engineer Henry Alcantara ay umaabot aniya ng P56 bilyon.
“Hindi po totoo yan sa ICI na P21 bilyon dahil P56 bilyon ito at napunta yan kay Pangulong Marcos at Speaker Romualdez,” ani Co na iginiit na wala siyang kaparte rito dahilan dumaan lang ang pera sa kaniya at idineliber sa magpinsan.
Inihayag ni Co na ilalabas nya ang mga detalye at listahan ng mga ghost flood control projects sa susunod na mga araw.
“Yung listahan ng mga projects kasama ang video ko ilalabas ko sa susunod na mga araw, konting pasensya pa po, sana po ay hindi nila ako mapatay bago ko mailabas ang katotohanan,” ani Co sa nasabing video message.
Magugunita na sa unang bahagi ng expose ni Co noong Biyernes ay sinabi nitong si PBBM ang nag-utos umano na magsingit ng P100 bilyon sa 2025 national budget at P25 bilyon dito ay napunta umano sa Pangulo bilang kickback.
- Latest






















