Palakasin, linawin ‘zero balance billing’ sa publiko
Sen. Bam umapela sa DOH
MANILA, Philippines — Nananawagan si Sen. Bam Aquino sa Department of Health (DOH) na ipatupad ang mas malaking parte ng bayarin sa ospital na sasagutin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at maglunsad ng information campaign para sa programang Zero Balance Billing (ZBB) ng kagawaran.
Sa Committee on Finance tungkol sa budget ng DOH, sinabi ni Aquino kay Health Secretary Teodoro Herbosa na agad ilathala ang kumprehensibong listahan ng mga ospital na nag-aalok ng ZBB coverage at magtatag ng malinaw at madaling maintindihan na panuntunan para ma-access ng mga mamamayan ang programa.
Binigyang-diin ni Aquino, vice chairperson ng Committee on Finance, na may kakulangan sa pagbibigay ng kaalaman sa publiko kaugnay ng ZBB para mabawasan ang pangangailangan ng mga mamamayan na pumila sa mga opisina ng mga mambabatas para lamang humingi ng tulong pinansyalsa mga gastusing medikal.
“Kutob ko po hindi ito alam ng taong bayan. I don’t think they know this is available to them already. My first suggestion: sana po i-publish ninyo na po. May mga communications group naman ho kayo. Ano yung hospital na may Zero Balance Billing, paano maka-avail ng Zero Balance Billing. Unang-una, gusto ho natin na mga kababayan natin may mga hospital na mapupuntahan na wala silang babayaran. I think that’s really the first,” sabi ni Aquino.
Iminungkahi ni Aquino na dapat malinaw na ipaalam ng ospital sa pasyente ang mga opsyon bago magsimulang lumaki ang bayarin.
- Latest






















