Batanes, ‘pinalibutan’ ng 3 Chinese vessels

MANILA, Philippines — Tatlong barko ng China Coast Guard (CCG) ang namataang nakapalibot at nagpapatrulya sa paligid ng Batanes.
Base sa monitoring ng US maritime expert na si Ray Powell, nabatid na ang mga barkong may bow number na 3301, 3304 at 4304 ay namataang nagpapatrulya sa silangan at kanlurang bahagi ng isla hanggang nitong Biyernes.
Ayon kay Powell, ang CCG ship 4304 ay namataan may 60 nautical miles sa kanluran ng Batanes, habang ang 3301 at 3304 naman ay huling namataan may 70 nautical miles sa silangang bahagi ng isla. Kinumpirma ni Powell na ang mga posisyon ng tatlong barko ay nasa bracketing pattern dahil sa ginagawa nitong pagpapatrulya sa silangan at kanlurang bahagi ng Batanes.
Nauna rito, nitong Huwebes ng gabi ay sinabi ni Powell na ang mga naturang barko ng CCG ay bumubuo ng bracketing pattern.
Pawang malalaki rin aniya at armado ang mga naturang mga barko.
Inilarawan din ni Powell na “very unusual track” ito para sa CCG at hindi rin aniya malinaw kung saan patungo ang mga barko, na Huwebes pa nang mamonitor na dumaraan sa Bashi Channel.
Ani Powell, hindi niya halos nakikita ang CCG malapit sa Batanes at ito ang unang pagkakataon na may nakita siyang pagdaan sa pamamagitan ng Bashi Channel, sa ilang taon nang monitoring na kaniyang isinasagawa.
“I think this is really significant, as I’ve never seen CCG conduct an intrusive patrol [on] the east side of the Philippine archipelago before,” aniya pa.
“This is the first time I’ve observed this behavior from the China Coast Guard. While the CCG has been much more active in the West Philippine Sea, this marks the first time I’ve seen it extend its intrusive patrols east of the Philippines,” dagdag pa niya. Ang Bashi Channel, ay isang strategic waterway sa pagitan ng Mavulis Island ng Batanes at ng Orchid Island ng Taiwan, na nagkokonekta sa South China Sea at sa Pacific Ocean.
- Latest
















