Torre, Baste todo ensayo na sa boxing match!

MANILA, Philippines — Puspusan na ang pag-eensayo ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III at Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang paghahanda sa napipintong charity boxing match ng dalawa.
Sa mismong gym ng Camp Crame nag-ensayo si Torre kung saan nagpractice ng shadow boxing, double-end bag, footwork drill, push-ups at sit ups.
Naispatan naman si Duterte na tila nag-eensayo na para sa bakbakan nitong Miyerkules ng gabi.
Aminado si Torre, 55, na hindi siya boksingero subalit kailangan pa rin niyang paghandaan ang laban upang hindi maging kahiya-hiya.
Aniya, tulad ng isang pulis sinisiguro niyang lagi siyang handa sa anumang hamon.
“I’m old and according to my trainer, my stamina is not like before and that I no longer punch hard.” ani Torre.
Sinabi ni Torre na isa itong charity boxing match na ang kikitain ay itutulong sa mga biktima ng kalamidad.
Kinasahan ni Torre ang hamon na suntukan ni Duterte kung saan sinabi ng opisyal na handa siya sa laban sa loob ng 12 rounds.
Kinumpirma rin ni Torre na imbes na sa Smart Araneta Coliseum ay sa Rizal Memorial Coliseum na lamang gagawin ang laban sa Linggo.
Binigyan diin ng PNP chief na wala na itong atrasan at alas-9 ng umaga pa lamang ay nasa Rizal na siya lalo pa’t marami nang sponsor ang nagparating ng kanilang suporta.
Dagdag pa ni Torre, desisyon na ni Duterte kung pupunta sa Rizal Memorial Coliseum sa Linggo.
“Nasa kanya na iyon. Anytime, I am ready,” dagdag ni Torre na miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Boxing Corps Squad.
Mas matanda ng limang taon si Torre kay Baste na may kalakihan ang katawan.
Isang video ang lumabas na nagpapakita ng pag-eensayo ni Duterte subalit hindi malinaw kung pagkatapos ito ng kanyang paghahamon kay Torre.
Sa isang vlog ni Duterte sa YouTube, sinabi nito na matapang lang si Torre dahil nasa posisyon ito sabay hamon ng suntukan sa PNP chief na kinasahan ng huli.
Naglabas naman ng kondisyon si Baste bago isagawa ang boxing match.
“Kung gusto mo talaga ng suntukan, bakit kailangan pa ng charity-charity?. Pakiusapan mo yang amo mo na Presidente, and let it come out of his mouth that all elected officials should undergo a hair follice drug test,” ayon kay Baste.
Agad namang inulan ng batikos si Baste matapos maglatag ng kondisyon at tinawag na ‘duwag’ ng mga netizen.
- Latest


















