Senado handa na sa VP Sara trial - Gatchalian

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Senate President Sherwin Gatchalian na handang- handa na ang impeachment court bukas, Hulyo 6 sa unang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Gatchalian na nakumpleto na ng impeachment court ang logistical at security preparations para sa proceedings.
Nag-isyu na rin aniya ang Senado ng anim na set ng guidelines kabilang dito ang security, media access, at ang galaw ng senator-judges sa loob ng Senado.
Maging ang pre-trial orders at iba pang official documents ay uploaded din sa Senate website sa ngalan ng transparency.
Sa pagsisimula rin aniya ng proceedings sa Lunes ay nakalaan ito para sa opening statements, habang wala pa namang testigong inaasahang tatayo.
“Definetly mag-o-open tayo, magbibigay tayo ng opening statement, yung prosecution, yung defense magbibigay ng opening statements dahil first day ito, magbibigay tayo ng mahabang oras for prosecution at defense to give their opening statements”, pahayag ni Gatchalian sa panayam ng DZMM.
Bagama’t pina-finalize pa ang mga schedule ay inaasahan naman aniya na sa araw ng Martes ay magsisimulang humarap ang mga testigo.
Pinapayagan naman aniya ng Senate rules na magpadala si Vice Pres. Sara Duterte ng kinatawan kung hindi ito makakadalo sa proceedings.
Nilinaw naman ni Gatchalian na hindi pa nila napapag-usapan ang tungkol sa required votes para ma-convict ang Bise Presidente.
Samantala handa na rin ang House prosecution panel sa impeachment laban kay VP Sara.
“Tingin ko, all systems go na. Wala naman ako nakikitang dahilan para ito ay maantala o ma-delay pa,” ani Manila 3rd District Rep. Joel Chua, miyembro ng prosecution team.
“The long wait is over. Sa Lunes ay inaasahan po nating magsisimula na ang trial na matagal nang inaantay ng ating mga kababayan,” saad pa ni Chua sa News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Inaasahang magbibigay ng panimulang pahayag ang prosecution at defense kung saan magtatakda ng panuntunan ang impeachment court at dedesisyunan ang apat na mga inihaing mosyon ng prosecution panel.
Kabilang dito ang pagbubukas ng BIR box, paggamit ng lengguwaheng English at Pilipino,at pagpapahintulot sa public at private prosecutors na isalang sa cross examination ang mga testigo.
- Latest


















