SC: ‘Verbal agreement’ sa bilihan ng lupa, balido
MANILA, Philippines — Balido ang verbal o “unwritten agreement” sa bilihan ng lupa, ayon sa Korte Suprema.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Samuel Gaerlan, kinatigan ng Supreme Court 3rd Division ang verbal sale sa pagitan ng isang Marcos Batara at pamangkin na si Benedicto Ocampo, kahit walang kontrata, matapos mapatunayan na natanggap ng huli ang titulo ng lupa, nakalipat o inokupa na ang property at gumawa na ng improvements sa lupa.
Nabatid na ang pinagtatalunang lupa ay pag-aari ni Batara na namatay noong 1974. Taong 2007 nang malaman ng mga anak ni Batara na sina Noblesa at Ernesto na sa kanilang magulang ang property matapos makatanggap ng notice na may hindi pa bayad na real estate taxes.
Nang malaman na nakatira ang pinsan na si Ocampo ay binabawi ito hanggang sa kasuhan, sa giit na sila ang dapat magmana.
Depensa ni Ocampo, nabili niya ang lupa noong buhay pa si Batara at nang mamayapa, ang installment na pagbabayad ay itinuloy na napunta sa kapatid ni Batara, na guardian ni Noblesa, at katibayan na ang hawak na titulo ay ipinagkaloob ni Batara sa initial payment pa lang.
Nabaligtad ng SC ang naunang mga desisyon ng Regional Trial Court (RTC) at Court of Appeals na kapwa nagpasya pabor kina Noblesa at Ernesto.
Idinagdag ng SC na ang pag-aari ng lupa at improvement na nagawa ay matibay na senyales na nagkaroon na ng verbal sale, kahit walang written contract.
Gayunman, sa kasong ito, ang ginawang pagbabayad ng installments bilang balanse sa kanilang tiyuhin/guardian ay hindi awtorisado kahit siya ay kapatid ng namatay na si Batara.
Iniutos ng SC na bayaran pa rin ni Ocampo ang natitirang utang sa panahong namatay ang ama, na may kasamang interes.
- Latest



















