PCO Secretary Jay Ruiz panatilihin sa puwesto - PAPI
MANILA, Philippines — Umapela ang Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihin si Secretary Jay Ruiz bilang pinuno ng Presidential Communications Office (PCO), dahil sa kanyang propesyonalismo, integridad bilang mamamahayag, at kakayahang maghatid ng katatagan sa isang panahong kritikal para sa komunikasyon ng pamahalaan.
Sa pahayag ni PAPI President Nelson Santos, sinabi nitong buo ang tiwala nila sa kakayahan ni Ruiz na pamunuan ang PCO sa gitna ng maiingay na usaping pulitikal at lumalakas na reaksiyon mula sa publiko.
“Habang iginagalang namin ang isinasagawang pagsusuri kay Secretary Ruiz, naniniwala kami na ang pagpapalit ng lider sa gitna ng laban ay hindi makakabuti sa administrasyon—lalo na sa panahong higit na kailangan ang malinaw, maayos, at kapani-paniwalang komunikasyon,” ani Santos.
Ani Santos, si Ruiz na isang beteranong field reporter at kinikilalang broadcast journalist, ay may malawak na karanasan sa larangan ng pamamahayag. Ang kanyang malalim na pag-unawa sa media at pulso ng publiko, ay bihirang katangian na tugmang-tugma sa mga hinihingi ng isang makabagong PCO Secretary.
Nagbabala rin si Santos sa masamang impresyon na dulot ng palagiang pagpapalit ng pamunuan sa PCO, lalo na’t si Ruiz na ang ikaapat na press secretary mula noong 2022.
Ang panawagan ng PAPI ay kaakibat ng lumalawak na suporta mula sa mga mamamahayag at komunikasyon eksperto na nakikita ang liderato ni Ruiz bilang isang matatag na haligi sa information strategy ng pamahalaan.
“Hinihiling namin sa Pangulo na timbangin hindi lang ang pulitika kundi ang performance. Nasa likod ni Secretary Ruiz ang tiwala ng media—at iyan ay isang yaman na hindi kayang ipagsapalaran ng sinumang lingkod-bayan,” dagdag pa ni Santos.
- Latest





















