Death penalty vs kidnappers, ibalik!

Hiling ng Fil-Chinese businessmen
MANILA, Philippines — Panahon na umano para ibalik ang death penalty laban sa mga kidnapper na nakakabahala partikular sa Filipino-Chinese community.
Inihayag ito ni Cecilio Pedro, dating pangulo ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII), kasunod ng insidente ng pamamaslang sa steel magnate na si Anson Que na matapos magbayad ng ransom ay pinatay pa ng kanyang mga kidnaper kasama ang kanyang driver na si Armanie Pabillo.
Sinabi ni Pedro na nakasisira hindi lamang sa ekonomiya ng bansa ang kaso ng kidnapping kundi maging sa seguridad ng Pilipinas.
“Negotiating with kidnappers is part of it pero kailangan mahuli, make it known na kidnapping is not a viable option. Gusto ko nga palitan ‘yung law natin na ‘yung penalty, dapat death penalty na ang ibigay sa kidnappers kasi nakakasira ito sa bayan,” ani Pedro.
Natagpuan ang bangkay nina Que at Pabillo sa Brgy. Macabud, Rodriguez, Rizal nitong Miyerkules habang sa Seminary Road sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City naman nakita ang abandonadong sasakyan nito na Lexus.
Samantala, kahapon ay nakipagpulong ang FFCCCII kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil upang talakayin ang ilang kaso ng pagdukot sa nga Chinese nationals.
Tiniyak ni Marbil sa FCCCII na tututukan nila ang kaso, tutukuyin at pananagutin ang responsable sa insidente.
Sa nasabing pulong, nagkasundo ang PNP at FFCCCI na magtutulungan upang maiwasan na ang insidente ng pagdukot partikular sa mga negosyanteng Chinese.
- Latest