Tulfo: Higit 300K workers nanganganib mawalan ng trabaho sa online selling
MANILA, Philippines — Pinapakilos ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ang mga ahensya ng pamahalaan partikular ang Department of Trade and Industry (DTI) na agad aksyunan at bigyan ng proteksyon ang mahigit 300,000 manggagawa na nanganganib na mawalan ng trabaho kung patuloy na malulugi ang mga local manufacturer sa bansa dahil sa pagsulpot ng mga online selling.
Sa ikalawang pagdinig ng Committee on Trade and Industry ng Kongreso sa pamumuno ni Rep. Fergenel Biron, ukol sa House Resolution No. 1912 na inihain ni Tulfo at kanyang mga kasamahan sa ACT-CIS partylist ukol sa umano’y unfair na bentahan ng mga produkto mula sa ibang bansa gamit ang mga online platforms tulad ng Lazada at Shopee, binatikos ng mambabatas ang tila kawalan ng aksyon ng DTI para bigyan ng protection ang mga local manufacturers at ang mahigit 300, 000 kawani nito.
Sumbong ng mga local manufacturers,nalulugi ang kanilang mga kumpanya dahil sa magkalat ng mga bentahan ng mga produkto na galing sa China na walang kaukulang mga papales o hindi dumaan sa regulasyon ng pamahalaan, gamit ang mga online platform na Shopee, Lazada at iba pa.
Kung hindi ito masasawata,aminado ang mga manufacturers na posible silang magsara at mawalan ng trabaho ang mahigit 300, 000 nilang mga kawani.
Tugon naman ng DTI, hindi sila tumitigil para pigilin ang mga pagpasok ng produkto na hindi dumadaan sa kanilang ahensya na kung saan ay ngayon lamang taon ay aabot na sa mahigit 13,000 produkto ang kanilang naipa-take down sa mga online platforms.
Pero hindi kumbinsido dito si Tulfo dahil nais niyang kumilos ang ahensya para masigurong mapoprotektahan ang mga kapakanan ng mga manggagawa sa bansa.
“Puro na lang kayo naririnig ko nung nakaraang hearing pa na puro take down. Pero yung meron po ba kayong plano para protektahan ang kanilang mga negosyo? Mawawala nang negosyo ang mga ito dahil sa online,” dagdag ni Tulfo.
- Latest