Imbestigasyon sa confidential funds ni VP Sara tatapusin na
MANILA, Philippines — Nakatakda nang tapusin ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang imbestigasyon nito kaugnay ng umano’y maling paggasta ni Vice President Sara Duterte sa P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dati niyang pinamunuan.
Kahapon ay pinulong ni committee chairman Manila Rep. Joel Chua para i-wrap up at i-summarize kung ano ang mga nangyari sa imbestigasyon.
“May mga nagpa-file na rin po ng impeachment sa ating Bise Presidente kaya minarapat po namin na i-wrap up na rin ito (confidential funds),” paliwanag ni Chua.
“Nevertheless, ito naman kasi saka-sakaling tutuloy ang impeachment process ay hahayaan na namin na sa impeachment na sagutin ang mga katanungan sa ating Bise Presidente,” dagdag niya.
Nakapagsagawa ng pitong pagdinig ang komite kung saan nadiskubre ang mga umano’y iregularidad sa paggamit ng confidential funds ni Duterte kasama na ang P125 milyon na naubos sa loob lamang ng 11 araw.
Ang paggasta ng OVP ng P16 milyong confidential funds nito sa pag-upa ng 34 safehouse sa loob ng 11 araw noong Disyembre 2022 at ang P15 milyong confidential fund nito sa youth leadership summits ng Philippine Army na itinanggi ng huli.
Nadiskubre rin sa imbestigasyon ang pagtanggap ni “Mary Grace Piattos” ng confidential funds.
Dalawang impeachment complaint na ang isinampa laban kay Duterte noong nakaraang linggo at kasama ang umano’y maling paggastos ng confidential fund sa mga alegasyon.
Sinabi ni Chua na maaaring gamitin ng House Committee on Justice ang mga impormasyong nakalap ng kanyang komite kung kakailanganin sa isasagawa nitong pagdinig sa mga impeachment complaint.
- Latest