Impeachment process puwede kahit naka-break Kongreso – Chiz
MANILA, Philippines — Kahit naka-session break, maaari pang magsagawa ng impeachment process ang Kongreso.
Ito ang sinabi ni Senate President Chiz Escudero ngayong may nalalabing 6 na araw na lamang bago ang adjournment ng sesyon para sa Christmas break, habang mayroong 24 session days naman sa susunod na taon bago mag-recess para bigyang daan ang 2025 midterm elections.
Ayon kay Escudero, posible ang pagsasagawa ng impeachment proceedings kahit session break dahil ang naturang proseso ay hindi naman isang sesyon na kailangang sabay din na nagsesesyon ang counterpart nila sa Kamara.
Subalit depende naman aniya kung ito ang mapagpapasyahan ng impeachment court.
Sa kaso naman aniya ng dalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, dahil wala pa sa 1/3 ang nag-endorso nito sa Kamara ay daraan muna ito sa proseso ng impeachment hearing sa mababang kapulungan at kapag nakitaan ng sapat na merito at probable cause ay saka pa lamang ito iaakyat sa impeachment court ng Senado.
Sinabi pa ni Escudero na hindi maikli ang prosesong ito bago makarating sa Senado.
Ayaw naman pangunahan ni Escudero ang magiging desisyon ng mayorya ng Senado kung paano isisingit ang schedule ng impeachment proceedings.
Subalit sa ngayon ay hindi pa naman aniya ito napag-uusapan o idinudulog sa kanya ng kahit na sinong senador.
- Latest