Pag-standby ng US troops sa West Philippine Sea, ikinokonsidera
MANILA, Philippines — Ikinokonsidera ng Pilipinas ang posibleng paglalagay ng mga tropang Amerikano sa “standby mode” sa ibang mga lugar sa West Philippine Sea kasunod ng paglikha ng task force na nakatuon sa Ayungin Shoal, ayon sa ambassador ng Pilipinas sa US.
Napaulat na sinabi ni Jose Manuel “Babe” Romualdez na isinasaalang-alang na rin ng Department of National Defense ang pag-“standby” ng mga tropang Amerikano sa iba pang lugar na maraming likas na yaman.
Nilinaw naman ni National Security Adviser Eduardo Año na hindi direktang lalahok ang mga tropang Amerikano sa pagsasagawa ng mga aktwal na misyon sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Romualdez na ang paglikha ng task force na nakatuon sa Ayungin Shoal ay bahagi ng Visiting Forces Agreement (VFA) at ng Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Nagkabisa ang VFA noong 1999 kung saan pinapayagan ang mga tropang Amerikano na magbigay ng payo sa sundalong Filipino sa pagtugon sa kalamidad at paglaban sa terorismo.
Ang Ayungin Shoal ay matatagpuan sa 105 nautical miles sa kanluran ng Palawan na nasa loob ng 200-mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ngunit inaangkin ng China bilang bahagi ng kanilang teritoryo.
Nauna rito, kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines ang pagkakaroon ng US Task Force Ayungin sa Palawan na ang operasyon ay nasa ilalim ng Western Command (WESCOM) ng AFP.
Ang mga tropang Amerikano ay magbibigay ng technical assistance sa pamamagitan ng information-sharing group sa loob ng Command and Control Fusion Center sa WESCOM.
- Latest