‘Mother tongue’ sa Kinder-Grade 3, ititigil na
MANILA, Philippines — Ititigil na ang pagtuturo ng ‘mother tongue’ mula Kinder hanggang Grade 3 matapos mag-”lapse into law” ang Republic Act 12027, o pagpapatigil sa paggamit ng ‘mother tongue’ bilang ‘medium’ sa pagtuturo sa Kindergarten hanggang Grade 3.
Ang nasabing batas ay nag-aamyenda sa Enhanced Basic Education Act of 2023 o Republic Act 10533 na nagmamandato sa Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) program.
Sa ilalim ng Enhanced Basic Education Act of 2013, ang mother tongue ang magiging paraan ng pagtuturo mula kindergarten hanggang grade 3 para mapabuti ang kanilang pag-unawa at literacy.
Samantala nakasaad sa RA 12027, na ang medium ng pagtuturo ay babalik sa Filipino at English habang ang mga rehiyonal na wika naman ay maaari pa ring gamitin bilang mga pantulong na kagamitan sa pagtuturo.
Sa ilalim ng panukalang ito ni Senate Committee on Basic Education chairman Sen. Sherwin Gatchalian, iminumungkahi na maliban sa mga monolingual classes mula Kindergarten hanggang Grade 3, ang pagtuturo ng basic education ay magpapatuloy gamit ang Filipino, maliban na lamang kung itakda ng ibang batas, ang Ingles.
Ang bagong batas ay nagdadala rin ng opsyonal na pagpapatupad ng MTB-MLE sa mga monolinggwal na klase, kung saan ang lahat ng estudyante ay may parehong katutubong wika.
- Latest