PUP honorary doctorate degree iginawad kay Pangandaman
MANILA, Philippines — Pinagkalooban ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ng honorary doctorate degree si Department of Budget Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman.
Tinatanggap ni Pangandaman, ang honorary Doctor in Public Administration degree bilang pagkilala sa kanyang hindi matatawarang serbisyo sa politika at bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa ekonomiya ng bansa, gayundin ang kanyang hindi matitinag na dedikasyon sa pagsusulong ng transparent na pamahalaan, kapayapaan, at mga inisyatibong pangkalusugan.
Kinilala rin ng PUP ang maganda at kapuri-puring adbokasiya ng kalihim sa mga sektor na mahalaga sa pambansang kaunlaran at ang kanyang masigasig na pagsuporta sa mas mataas na edukasyon.
Kilalang tagapagtaguyod si Secretary Mina ng mga pangunahing reporma sa badyet, tulad ng digitalization at modernisasyon ng pampublikong sistema ng pamamahala sa pananalapi, pagbabago ng klima at berdeng pampublikong procurement, Open Government Partnership, at iba pang adbokasiyang nagsusulong ng transparency, magandang pamamahala, at pananagutan.
Nagsilbing panauhing tagapagsalita si Sec. Mina sa mga pagtatapos na seremonya ng unibersidad sa PICC, Pasay City nitong Oktubre 2, 2024.
Sa kanyang talumpati para sa mga nagtapos mula sa College of Business Administration, sinabi ng kalihim na isang pagkakataon na gamitin ng mga nagsipagtapos ang kanilang mga talento upang itaguyod ang mga naisantabi, ipaglaban ang mga walang boses, at lumikha ng mas makatarungan, pantay, at mapagmalasakit na lipunan para sa lahat.
- Latest