PNP papanagutin mga magulang na ‘binugaw’ mga anak sa KOJC
MANILA, Philippines — Papanagutin ng Philippine National Police (PNP) ang mga magulang na pumayag na maging alay ang kanilang mga menor-de-edad na anak kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang tiniyak ni PNP-Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, kasunod ng salaysay ng mga biktima na ang alay o pagpayag ng kanilang magulang ang umano’y magiging daan para makapasa sa langit dahil ito ay pagsisilbi umano sa Diyos.
Ayon kay Fajardo, tila isa umanong pambubugaw ang ginagawa ng mga magulang na miyembro ng KOJC na labag sa batas.
Lumilitaw na inihahanda umano sila o may preparations bago sila pinapapasok sa kwarto ng pastor kabilang na ang scent o pabango na gagamitin nila at araw ng pakikipagtalik sa pastor.
Pagkatapos umano silang gamitin ni Quiboloy ay sinasabihan silang “pure” pa rin sila o intact pa rin ang pagkababae nila dahil ispirito ng Diyos ang nakipagtalik sa kanila.
Sa ngayon aniya, patuloy na kumakalap ng impormasyon ang PNP hinggil sa reklamo laban kay Quiboloy kasabay ng pagdami ng mga complainants o mga biktima nang pangmomolestiya ng pastor.
Samantala, sa panig naman ng legal counsel ni Quiboloy, inihayag ni Atty. Mark Tolentino, na planted lang daw ang mga nagsisilitawang biktima ng pastor.
Sa pagkakakilala niya raw kay Quiboloy, hindi nito magagawa ang mga alegasyon sa kaniya.
“Kilala ko si pastor hindi lang bilang abogado kundi bilang kaibigan. Mabait si pastor, very humble,“ ani Tolentino.
- Latest