P5 bilyon dagdag ayuda sa 4Ps aprub na – Pangandaman
MANILA, Philippines — Inaprubahan na ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang pagpapalabas ng karagdagang P5 bilyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Paliwanag ni Pangandaman, ito ay para mabigyan ng karagdagang pondo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na layong labanan ang kahirapan at suportahan ang mga pamilyang nangangailangan sa buong bansa.
Ayon pa sa kalihim, makakatulong ito para maibsan ang epekto ng inflation sa mga Filipino kaya ginagawa lahat ng Department of Budget and Management (DBM) para mapabilis ang proseso at epektibong maibigay ang mga pangunahing serbisyo tulad ng 4Ps.
Ang inaprubahang pondo aniya ay manggagaling sa fiscal year (FY) 2023 Continuing Appropriations at gagamitin para sa arrears ng taong 2023 4Ps grants mula sa deactivation/suspension ng tinatayang 703,888 households na 4Ps beneficiaries.
“’Through this allocation, the DSWD can continue its critical work without interruption, providing much-needed assistance to our most vulnerable citizens,” giit pa ni Pangandaman.
Sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sinabi niya na higit sa 420,000 households ang nag-graduate na mula sa 4Ps o na-assess bilang self suffficient mula ng kanyang nakaraang SONA.
Isa sa mga haligi ng social protection strategy ng gobyerno, ang 4Ps ay nagbibigay ng conditional cash transfer sa mga pamilyang higit na nangangailangan upang mapabuti ang kanilang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon.
Palalakasin ng karagdagang pondo ang mga gawaing ito sa pamamagitan ng pagpapanatili sa operasyon ng programa at sa pag-abot sa mas marami pang pamilya. Umaayon din ang 4Ps sa Bagong Pilipinas campaign, na layong bigyan ng magandang kinabukasan at suporta ang bawat Pilipinong nangangailangan.
- Latest