Repatriation ng 3 nasawing Pinoy sa Dubai, pinoproseso na - OWWA
MANILA, Philippines — Pinoproseso na ang pagpapauwi sa Pilipinas ng tatlong Pinoy na nasawi bunga ng matinding pagbaha sa United Arab Emirates.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kinilala ang mga nasawi na sina Dante Español Casipong, Jennie Gamboa at Marjorie Saquing.
Alas-6:00 ng gabi ng Abril 17 nang mawalan ng control ang driver nang madaan sa sinkhole sa DWC – Al Maktoum International Airport dahilan sa pagkakaroon ng multiple fracture ni Casipong na idineklarang patay sa pagamutan habang sugatan ang dalawang Pinoy na kapwa pasahero.
Naoperahan naman dahil sa nabaling binti si Mark Louie Pimentel na nasa maayos nang kondisyon habang si Lydin Cambalon ay nasa kritikal pang kalagayan at isinailalim din sa surgery noong Abril 18.
Pinaniniwalaang na-suffocate kaya namatay sa cardiac arrest ang magkasama sa trabahong sina Gamboa at Saquing matapos na umusok ang shuttle service na kanilang sinasakyan nang mabalaho sa tindi ng traffic sa Sharjah.
Ang OWWA ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa gobyerno ng UAE at sa mga kamag-anak ng mga apektadong indibidwal upang matiyak na ang lahat ng kinakailangang pagsasaayos ay ginawa para sa pagpapauwi ng mga labi ng biktima.
- Latest