P250 milyong cash aid naipamahagi sa 83K benepisyaryo
CARD Program sa Eastern Visayas...
MANILA, Philippines — Umaabot sa P250 milyong ayudang pinansyal at 2 milyong kilong bigas ang naipamahagi sa may 83,000 benepisyaryo sa Eastern Visayas sa ilalim ng Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program ng pamahalaan mula Abril 5 hanggang 7, ng taong ito sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang programa ay isang pagpapakita ng dedikasyon at pagtupad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. sa kanyang pangako na tulungan ang mga Pilipinong nangangailangan.
“Lumapag na po sa Leyte, Samar at Biliran ang CARD Program upang maghatid ng libreng bigas at ayuda para sa ating mga kababayan na nagmumula sa mga vulnerable sectors. Dito po ipinadadama ng administrasyon ni Pangulong Marcos sa ating mga mamamayan ang pagkalinga ng pamahalaan,” pahayag ni Romualdez.
Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” Gabonada Jr. ang CARD Program, na inisyatiba ni Speaker Romualdez, ay tugon ng Kamara sa tumataas na presyo ng bigas upang matulungan ang mga residente ng Tacloban City, Leyte, Southern Leyte, Biliran, Samar, Eastern Samar at Northern Samar.
“Under the leadership of Speaker Martin, the House of Representatives is fully committed to addressing President Marcos’ challenges, focusing on aiding the vulnerable sectors,” ani Gabonada sa CARD program sa pakikipagkoordinasyon sa tanggapan ni DSWD Sec. Rex Gatchalian.
Sa CARD program sa Eastern Visayas, ang nasa 83,000 benepisyaryo ay nakatanggap ng tig P3,000 ayuda mula sa AICS Program ng DSWD na kinabibilangan ng P1,000 o 25 kilo ng bigas sa presyong P40 kada kilo at P2,000 cash aid.
Kabilang sa mga natulungan ng programa ay mga mahihirap, senior citizens, PWDs, single parents, mga breadwinner ng pamilya at iba pa.
- Latest