23 aso, 27 pusa nasagip sa landslide sa Davao de Oro
MANILA, Philippines — Umaabot sa 23 aso, 27 pusa ang nasagip ng mga tauhan ng Provincial Veterinary Office matapos maiwan ng kanilang mga amo sa Brgy. Masara at mainit na tinamaan ng delubyo ng landslide sa bayan ng Maco, Davao de Oro, ayon sa ulat nitong Sabado.
Sa report ng Provincial Veterinary Office, ang nasabing mga hayop ay hindi sinasadyang naiwan ng mga residente na lumikas matapos na ipag-utos ng lokal na pamahalaan ang force evacuation sa naturang mga lugar.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 96 katao ang nasawi sa nasabing trahedya na nangyari noong Pebrero 6. Ang Brgy. Masara na isang mining area ay idineklarang ‘no build zone’ pero pinanirahan pa rin ng mga residente.
Inihayag naman ni PVO Assistant Department Head Dr. Headyn Cenabre na ang naturang mga pets na kanilang na-rescue simula pa noong Valentine’s day ay agad na binigyan ng mga pagkain, supplements at isinailalim rin sa medical treatment.
Ang mga aso at pusa ay pansamantala namang inilagay sa impounding area sa bayan ng Mawab sa nasabing lalawigan.
“Our rescue operation still continues because we haven’t covered the whole area and we have seen many stray dogs, some of them are really hungry and some of them are really scare,” anang opisyal.
Sinabi ni Cenabre sa isang TV interview na kung may mga taong survivors sa trahedya ay mayroon din naman aniyang mga hayop na kailangan ng pagkalinga.
Nasa 54 mga bahay ang natabunan ng lupa at debris na nasa 40 metro ang taas sa Brgy. Masara kung saan mahigit pa sa 19 katao ang nawawala.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang search and retrieval operations sa mga nawawala pang biktima.
- Latest