P500 milyong ayuda sa 80K residents ng Zambales
MANILA, Philippines — Mahigit P500 milyong tulong pinansyal, pangkabuhayan, scholarship, at iba pang serbisyo publiko ang naiparating ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilalim ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa 80,000 residente ng Zambales nitong Sabado at Linggo.
Nasa 3,000 ang benepisyunaryo ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program. Nakatanggap ang mga ito ng P950 halaga ng bigas at P1,050 cash na pambili ng iba pang pagkain.
“Kaya aming inilunsad itong CARD program na layong bigyan ng tulong ang mga nahihirapang kababayan natin sa pamamagitan ng tulong-pinansyal at bigas,” ani House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Nasa 3,000 magsasaka rin ang nabigyan ng tulong pinansyal sa ilalim ng Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM) ng administrasyong Marcos.
Isang bagong programa ang FARM na inilunsad ni Romualdez na layuning tulungan ang mga magsasaka na maparami ang kanilang aning palay upang dumami ang suplay ng bigas sa bansa at hindi na kailanganin pang mag-angkat.
Umabot naman sa 4,000 estudyante sa Zambales ang nakatanggap ng tulong pinansyal at scholarship habang P2,000 sa bawat benepisyunaryo ng Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED at makatatanggap din ng P15,000 kada semestre.
- Latest