Manggagawa dismayado sa pagsopla ng DOLE sa 2024 wage hikes
MANILA, Philippines — Nagngit-ngit sa galit ang kilusang paggawa matapos harangan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang anumang paghirit ng umento sa sahod ngayong pagpasok ng Bagong Taon.
Kamakailan lang kasi nang sabihin ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na kinakailangan pa raw "damhin" sa ngayon ang mga naunang umento sa sahod, habang tinitiyak ng DOLE na natutupad ito.
"Last year’s wage increases only ranged from P30-50, just enough for a kilo of rice, or fare for a short ride in a modern minibus under the PUV Modernization program, or a one-way train ticket now that fare hikes loom in the MRT and LRT," wika ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Martes, sa isang pahayag.
"To hear the DOLE Secretary preemptively saying that wage hikes are unlikely this year is also the government admitting that they have no interest to alleviate the plight of workers especially now that the economic crisis worsens day by day."
Una nang sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na posibleng aprubahan ang petisyon na itaas ang pamasahe sa MRT-3 ngayong 2024, matapos ang unang fare hikes sa LRT-1 at LRT-2 nitong Agosto.
Disyembre lang nang itaya ng IBON Foundation na posibleng tumaas nang hanggang 400% ang pamasahe sa jeepney para mabawi ng mga operator at driver ang mahal na gastusing kaakibat ng PUV Modernization program.
Bagama't dapat tinitiyak daw ng DOLE na tinutupad ng mga kapitalista ang naunang umento sa sahod, sinabi ng KMU na hindi ito sapat na dahilan para ipasa ang problema ng pagmo-monitor sa mga manggagawa.
"All these issues - measly wage increases that are given in tranches and are sorely delayed - only reveal the failure of RA 6727," dagdag pa ng KMU.
"To our fellow workers, we enjoin you. Let us continue to fight for significant wage increases, and the passage of a National Minimum Wage based on the family living wage standard, currently at P1188."
Matagal nang hinihingi ng mga progresibong sektor ang pagpapasa ng P750/araw na dagdag sa sahod ng mga regular empleyado at mga manggagawa sa buong bansa dahil na rin sa bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo ngunit patuloy itong nakatengga sa Konggreso.
Kasalukuyang nasa P573 hanggang P610 ang arawang minimum wage sa National Capital Region, ang pinakamataas na minimum na pasahod sa buong Pilipinas. Mas maliit ito sa iba pang mga rehiyon ng bansa.
Malayo ang lahat ng ito sa Family Living Wage sa Metro Manila na P1,188/araw na sahod na kinakailangan para mabuhay nang disente ang isang pamilyang may limang miyembro, ayon sa IBON Foundation.
- Latest