5 Chinese vessels kinuyog barko ng BFAR, PCG sa Bajo de Masinloc
MANILA, Philippines — Muling binomba ng water cannon ng mga barko ng China ang mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea (WPS).
Alas-6 ng umaga kahapon nang mangyari ang pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa Bajo de Masinloc.
Napag-alaman na nagsasagawa lamang ng isang routine maritime patrol ang mga barko ng PCG at BFAR nang salubungin sila ng water cannon ng ilang CCG vessels 5303, 3302, 3104, at People’s Liberation Army Navy vessels na may bow numbers 500 at 571.
Ayon kay PCG Spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela, na may mga pagkakataong sinadyang banggain ang mga barko ng PCG at BFAR kung saan dalawang beses pang binomba pa ng tubig.
Sinabi ni Tarriela, ito ang unang pagkakataon na tumulong ang mga barko ng People’s Liberation Army ng China sa pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas. Muli namang tiniyak ng PCG na gagawin pa rin nila ang lahat upang maprotektahan ang mga Pilipinong mangingisda sa loob ng ating teritoryo.
Inaalam pa ang kabuuang pinsala na tinamo ng barko ng Pilipinas mula sa nasabing insidente.
- Latest