Bong Go sa mga lider-kabataan: Palakasin ang inyong komunidad
MANILA, Philippines — Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on youth, ang mga kabataang lider sa pagpapaunlad ng bansa sa pamamagitan ng pagtulong sa kani-kanilang komunidad upang ito’y mapalakas.
Ginawa ni Go ang panawagan sa kanyang pagdalo bilang keynote speech sa “PANGANDOY: The National Youth Convention 2024” na ginanap sa Forest Crest Nature Hotel sa Nasugbu, Batangas noong Lunes, Disyembre 2.
Nagsama-sama sa kombensiyon na idinaos mula Disyembre 1-4, 2024, ang mahigit 500 lider ng kabataan, kinabibilangan ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK), mga miyembro ng Local Youth Development Council (LYDC), at Local Youth Development Officers (LYDOs).
Bago dumating sa event, nalagay sa bingit ang buhay ni Go nang mag-emergency landing ang helicopter na sinasakyan niya sa Pililla, Rizal, dahil sa masamang panahon. Nakatakda siyang dumalo noon sa inagurasyon ng isang Super Health Center sa Mabitac, Laguna.
Sa pasasalamat at nakadalo sa pagtitipon ng mga kabataan na inorganisa ng National Youth Commission, muling iginiit ni Go ang kahalagahan ng youth empowerment at idiniin na kailangan ang sama-samang pagkilos sa paghubog sa kanila upang maging produktibong mamamayan tungo sa pag-abot ng kanilang mga layunin at adhikain.
Naniniwala si Go na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, hindi lamang sa darating kundi pati na rin sa kasalukuyan. Hinikayat niya ang mga lider ng kabataan na gamitin ang kombensiyon bilang isang pagkakataon upang pahusayin ang kanilang mga programa at inisyatiba.
- Latest