Walang travel ban sa South Korea – DFA
MANILA, Philippines — Hindi magpapatupad ng travel ban ang Pilipinas sa South Korea matapos ang ilang oras na deklarasyon ng martial law doon.
Sa Bagong Pilipinas public briefing, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na natapos na ang deklarasyon ng martial law kaya hindi na kailangan pa ang travel ban.
Sa kabila nito, iginiit ni De Vega na dapat pa rin mag-ingat ang mga turistang Piinoy at iwasang bumisita malapit sa border o demilitarization zone.
“Hindi namin kayo sinasabihan na huwag na kayong pumunta, pero kailangan mag-ingat pa rin,” ayon pa kay De Vega.
Sa ngayon naman aniya ay maayos ang kalagayan ng mga Pilipino sa South Korea at pinapayuhan lamang ang mga ito na sundin kung ano ang mga ipinatutupad na patakaran matapos alisin kaagad ang martial law.
Tinatayang 70,000 Filipino ang nagtatrabaho at naninirahan sa South Korea.
- Latest