Fish importation kinondena ng Pamalakaya
MANILA, Philippines — Mariing kinondena ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang gagawing pag-import ng pamahalaan ng 35,000 metriko toneladang isda para ilagay sa wet markets sa bansa.
Ayon kay Pamalakaya National Chairman Fernando Hicap, mariin nilang tinutututulan ang fish import dahil ito ay magdudulot lamang ng paglupaypay ng kabuhayan ng mga lokal na mangingisda sa bansa.
Una nang inaprubahan ng Department of Agriculture ang importasyon ng 35,000 Metric tons ng galunggong, mackerel, bonito, at moonfish para sa mga palengke mula October 1, 2023 hanggang December 31, 2023.
Ang importasyon ay para umano punan ang kakulangan sa naturang mga isda dahil sa tatlong buwang closed fishing season sa iba’t ibang lugar upang maparami ang produksyon nito.
Binigyang diin ni Hicap na walang garantiya ang fish importation na magiging stable ang suplay at presyo ng mga isda sa mga pamilihan.
Dapat anyang magkaroon ng kaukulang programa ang pamahalaan hinggil dito upang matiyak na may sapat na suplay sa mga lugar na apektado ng closed fishing season.
Sinabi ni Hicap na hindi importasyon ang solusyon para dito.
- Latest