Petisyon sa SC na simulan impeach trial, ini-raffle na

MANILA, Philippines — Nai-raffle na ng Supreme Court (SC) ang petisyong humihiling dito na atasan ang Senado na simulan na ang pagdaraos ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa SC, maaaring maisama ito sa agenda nila ngayong Martes, Pebrero 18.
Matatandaang hiniling ni Atty. Catalino Generillo Jr. sa SC na atasan ang Senado na kaagad na mag-convene bilang isang impeachment court at umpisahan na ang trial laban sa bise presidente.
Giit ng abogado, hindi pinahihintulutan ng Konstitusyon ang Senado na i-delay ang tungkulin nito sa panahon ng recess.
Tinukoy pa ng petitioner ang Article XI Section 3 ng Saligang Batas kung saan nakasaad na, “In case the verified complaint or resolution of impeachment is filed by at least one-third of all the Members of the House, the same shall constitute the Articles of Impeachment, and trial by the Senate shall forthwith proceed.”
Una nang inaprubahan ng Kongreso ang impeachment at kaagad na iniakyat sa Senado noong Pebrero 5.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, maaari lamang mag-convene ang Senado bilang isang impeachment court kung ang Kongreso ay nasa sesyon. Nangangahulugan ito na ang impeachment trial laban kay VP Sara ay maaari pang simulan sa pagbubukas ng 20th Congress sa Hulyo.
- Latest