Grupo naglabas ng 'manifeso' ukol sa hinaing ng mga OFWs sa airlines
MANILA, Philippines – Nagpalabas ng manifesto ang isang samahan ng mga overseas Filipino worker (OFW) groups at organizations kung saan inihayag ng mga ito ang kanilang paninindigan at apela kaugnay ng mga hinaing ng mga OFWs sa serbisyo ng mga airline companies.
Ang manifesto ng United Filipino Group (UFG) ay pinamagatang “Damdaming OFW” at ininilabas kamakailan sa Facebook page ng UFG, isang alyansa ng mga OFW organizations at advocates for OFW welfare and protection.
Ayon kay UFW head Gemma Sotto, mahalagang bahagi ng buhay at hanapbuhay ng OFWs ang paglipad sakay ng eroplano.
Sa naturang manifesto, nagpahayag din ng suporta ang UFG sa panukalang batas ni OFW party-list Rep. Marissa Magsino, na naglalayong pwersahin ang pamahalaan na aksyunan ang reklamo ng mga OFW kaugnay ng mga serbisyo ng mga airline companies.
Sa isang panayam sa isang istasyon ng radyo, tinitak ni Sotto na nakahanda ang lahat ng OFW communities sa buong mundo na tumulong sa anumang paraan upang maisakatuparan ang layunin ng House Resolution 1105 na isinumite ni Rep. Magsino.
Sinabi ng UFG sa kanilang manifesto na dalawang matibay na damdamin ang nananaig sa puso ng bawat isang OFW kapag pagsakay sa eroplano ang pinag- uusapan.
"KALIGAYAHAN ay nag-uumapaw sa pag-biyahe palabas ng Pilipinas dahil may matatag na trabaho sa ibang bansa na magtataguyod ng pamilyang Pilipino.
"KALIGAYAHAN makauwi upang saglit na makapagbakasyon. Konting panahong makapiling ang mga mahal sa buhay, dumalo sa mahalagang oksayon sa pamilya, makita ang mga kaibigan.
"KALUNGKUTAN naman ang nadarama sa pag-uwing ang kadahilanan ay mga emergency sa pamilya, mahal sa buhay na may sakit, problemang kailangang personal na asikasuhin, paghabol sa nagaagaw-buhay na mahal sa buhay, o para magdalamhati sa pumanaw na kapamilya.”
Ayon kay Sotto, dagdag stress at pagkabalisa ang hatid ng palpak na serbisyo ng mga airline companies kung kaya mas makakaganda sa morale and welfare ng mga OFW kung agaran ang mga itong malulutas.
Umapela din ang UFG sa mga miyembro ng Kamara na i-prioritize ang pagtalakay sa HR 1105, gayundin sa mga miyembro ng Senado na magpasa ng katulad na batas na lulutas sa mga problema ng delays at cancellations ng mga flights sa international at local flights ng mga airline companies.
Nanindigan ang UFG na ito ang tamang panahon para isulong ang whole-of-nation approach at makiisa ang lahat ng kinauukulan upang mapaganda at maisaayos ang serbisyo ng mga airline companies.
"We all have a common goal here: to improve the industry of aviation for our OFWs, for all passengers and to help government and private sector strengthen industries and tourism," ayon pa kay Sotto.
Nanawagan din si Sotto kay Pangulong Ferdinand "Bong Bong" Marcos Jr. para sa agarang pagpapatupad ng mga kinakailangang programa, polisiya at proyekto na lulutas sa mga hinaing ng mga OFW sa mga flight delays and cancellations, kabilang dito ang mga infrastructure development na siyang lulutas sa problema ng siksikan sa mga airports, na ayon sa UFG ay pangunahing dahilan ng delays at cancellation ng flights.
- Latest