Pangulong Marcos pinag-aaralan clemency kay Mary Jane
MANILA, Philippines — Pag-aaralan pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng clemency kay Mary Jane Veloso.
Sa ambush interview sa Pangulo sa groundbreaking ceremony ng Meralco Terra Solar Project sa Brgy. Callos, Peñaranda Nueva Ecija, sinabi nito na matagal na itong trinabaho para maalis sa death row si Veloso.
“Well, since I came into office, what we were trying to what we were working on was tanggalin na siya sa death row, unang-una, to commute her sentence to life,” ayon pa kay Marcos.
Panahon pa aniya ng administrasyon ni dating Indonesian President Joko Widodo hanggang sa kasalukuyan ngayong presidente na si Prabowo Sobianto ay inayos at nakahanap ng paraan kung paano mapapauwi ng bansa si Veloso.
Wala rin aniyang balak ang gobyerno ng Indonesia na bitayin si Veloso kaya humanap sila ng paraan para makabalik dito sa Pilipinas ang Pinay kaya dapat silang pasalamatan sa hakbang.
“But as I said, we have been working on this...for all the previous presidents, hindi lang ako. 10 years na ito. pero ang nagawa natin napa-commute natin ang sentensya niya from death sentence to life imprisonment,” sinabi pa ni Marcos.
Dahi dito kaya’t kapag napauwi na aniya si Veloso dito sa bansa ay saka lamang sila magdedesisyon kung ano ang susunod kabilang na dito kung bibigyan siya ng clemency.
“We will see. We sill see. Hindi pa maliwanag kung ano ba talaga ang..How..This is the first time this has happened. So, that--everything is on the table,” giit pa ng Pangulo.
- Latest