Padilla nagbitiw bilang PDP-Laban executive VP, mananatiling miyembro
MANILA, Philippines — Inihayag ni Sen. Robinhood Padilla, Martes, ang kanyang pagre-resign bilang executive vice president ng PDP-Laban, partidong pinangungunahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inanunsyo niya ito ilang araw matapos magbanta ng pag-alis sa partido kung hindi raw susuportahan ng grupo ang Charter change, bagay na sinang-ayunan ng PDP-Laban kalaunan.
"As an incumbent senator with a heavy mandate, I am aware that other duties—including my position as EVP of the party—must give way to my ability to fulfill my sworn duty to the people," wika niya sa isang pahayag kanina.
"I believe my decision is for the good of the party and its members—and more importantly, for the Filipino people."
Bilang dating bahagi ng National Executive Committee ng partido, meron siya noong kapangyarihang humalili sa pangulo ng PDP-Laban kung sakaling mawawala, mawalan ng kapasidad, masuspindi, mag-resign, o masipa.
Nag-resign ang actor-turned-senator matapos ang tsismis na House coup na ginawa raw ng dating presidente at ngayo'y Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo, bagay na kanya namang itinatanggi.
Una nang binanatan si Padilla matapos kumalat ang isang video mula noong ika-16 sa isang plenary session kung saan Filipino ang kanyang pagtuggon, dahilan para akusahan siya ng pag-itsapwera sa "parliamentary procedures."
Matatandaang sinabi ni Sen. JV Ejercito na hamon ito sa kanya atbp. senador na gumamit ng parliamentary terms sa wikang pambansa, ito habang iginigiit naman ni Sen. Francis Escudero na walang nilabag si Padilla. — James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio
- Latest