Trabaho, oportunidad sa bagong TNVS slots
MANILA, Philippines — Pinapurihan ng pinakamalaking transport network vehicle service (TNVS) alliance sa bansa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa paglalaan nito ng mahigit 10,000 TNVS slots, kasabay ng pagsasabi ng alyansa na makakatulong ang naging hakbang ng ahensiya sa pagkakaroon ng mga oportunidad at trabaho sa Metro Manila at pati na sa mga kalapit na lugar.
Ayon sa TNVS Alliance of the Philippines (TAP), “ang mga bagong slots ay magbubukas ng mga pangkabuhayang oportunidad sa ating mga kababayan na patuloy na naghahanap ng ibang pagkakakitaan matapos ang panahon ng pandemya.”
Inihayag ng mga pinuno ng TNVS na nakikita nila mismo na patuloy na kinukulang ng mga masasakyan ang mga pasahero at kanilang binigyang-diin na naluwagan at nagpapasalamat ang mga Pinoy commuters sa LTFRB para sa mga bagong slots dahil siguradong makatutulong ito tungo sa maginhawang pagbibiyahe sa loob ng Metro Manila.
Nilalaman ng resolusyon ng LTFRB, na pirmado ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III at mga Board Members na sina Riza Marie Tan-Paches at Mercy Jane Paras-Leynes, ang pagbubukas ng 10,300 bagong slots sa Metro Manila at mga probinsiya ng Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal.
- Latest