NPO dumepensa sa akusasyon
MANILA, Philippines — Sumusunod ang bagong pamunuan ng National Printing Office (NPO) sa Republic Act Republic Act 984 o ang Government Procurement Reform Act at nagpapatupad na ng mga reporma.
Ito ang mariing sagot ni Carlos Bathan, Director IV ng NPO, sa kasong inihain sa kanya at sa ilang opisyales ng ahensiya hinggil sa paratang na may pinaboran itong printing company para sa mga balotang ginamit noong nagdaang eleksiyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Bathan na malinaw na gawa-gawa ang istorya at mali-mali ang paratang sa kanya ng mga taong ayaw ng kaayusan sa loob ng NPO. Isa rin itong demolisyon sa kanyang liderato.
Ayon sa kanya, mahigpit na nagpapatupad ng pagbabago ang NPO sa ilalim ng kanyang pamamalakad upang maiwasan ang mga korapsiyon at gayundin sinusunod ng ahensiya ang batas sa tamang bidding.
Kamakailan ay sinampahan ng kasong plunder, graft and corruption, grave misconduct, and gross neglect of duty sa Office of the Ombudsman sina Bathan at NPO officials Engr. Benedicto Cabral, Yolanda Marcelo, at Leah Dela Cruz. Pati ang pangulo ng Holy Family Printing Corporation na si Leopoldo Gomez ay idinawit din ng nag-akusang si Task Force Kasanag-International (TFK) President John Chiong.
Reklamo ni Chiong, pumayag ang NPO na ibalik sa Holy Family Printing Corporation ang P197 million na kinita diumano ng pamahalaan sa pagpapa-imprenta ng balota sa nasabing kompanya.
Ngunit, sinabi ni Bathan na walang pinipirmahan o pinapayagan na refund sa nasabing kumpanya.
Inutos na rin ni Bathan sa legal ng team ng NPO na tignang mabuti ang akusasyon at maghain ng kaso sa mga empleyadong sangkot, kung meron man. Pananagutin kung sinoman ang sangkot sa palakasan or sa korapsiyon, dagdag pa ni Bathan.
- Latest